-- Advertisements --

Bagaman baon sa 2 – 0 laban sa bigating Boston Celtics, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Dallas Mavericks guard at 2016 NBA Champion Kyrie Irving.

Ayon kay Irving, baon niya ang naging karanasan noong 2016 kung saan halos kapareho ang sitwasyon na mayroon ngayon ang Dallas.

Maalalang nabaon sa 3 – 0 ang dating team ni Irving na Cleveland Cavaliers noong 2016 laban sa Golden State Warriors. Ang Warriors team na iyon ay siya ring may hawak sa bukod-tanging NBA record na 73 wins at 9 losses.

Gayonpaman, nagawa pa rin ng Cavs na bumangon at talunin ang Warriors sa apat na magkakasunod game hanggang sa tanghalin itong Champion.

Ayon kay Irving, malaking motibasyon para sa kanya ang naging karanasan noong 2016 kung saan kinailangan ng buong team noon na mag-regroup at tuluyang pinadapa ang kalaban.

Maaari aniya na ito rin ang kakailanganin ng Dallas upang tuluyang talunin ang Boston at bumawi mula sa dalawang magkasunod na pagkatalo.

Batid din umano ng NBA Champion na kailangan niyang maging mas aggresibo sa opensa sa mga susunod na game, hindi tulad ng kanyang mga naging performance sa nakalipas na dalawang game.

Umabot lamang kasi sa 28 points ang pinagsamang pontos na naitala ni Irving sa nakalipas na dalawang game, gamit ang nakakadismayang 13-of-37. Hindi rin ito pinalad na makapagpasok ng tres sa kabila ng walong attempts.