Umapela sa publiko si 2016 Miss International Kylie Verzosa na tigilan na ang pamba-bash sa aktor at boyfriend niyang si Jake Cuenca kaugnay sa pinaniniwalaang marriage proposal prank sa kanya.
Kalakip ang kanilang kissing photo, iginiit ng 29-year-old beauty queen turned actress na hindi prank ang kunwari’y magpu-propose sa kanya si Jake dahil alam niyang gagawin iyon ng 33-year-old actor.
Una rito, maging kapwa nila artista ang napaniwala sa biruan lang pala na proposal habang para sa maraming netizens ay uri ito ng “bad joke” lalo para sa isang babae.
Sa panig naman ni Jake o Juan Carlos sa tunay na buhay, hindi aniya siya magdadalawang-isip na alukin na ng kasal ang kanyang beauty queen girlfriend of two years kapag dumating na ang tamang panahon.
Una rito, sa ibinahaging short video clip ng romantic dinner date nila ni Kylie habang nakabakasyon sa Palawan, makikitang napapalibutan ng hugis-pusong Christmas lights ang dinner set-up sa garden ng resort na tinuluyan nila roon.
Dito ay humirit si Jake na may nais siyang itanong kung saan natigilan pa ito na tila aktong magpo-propose sa dalaga.
Game naman si Kylie na umarteng excited, habang naghihintay ng sasabihin sa kanya ni Jake.
Sabay ang tanong lang pala ni Jake, “Kumain ka na ba?”
Tanginig labis na pagtawa naman ang isinagot ng pang-anim na Pinay Miss International.