Nakumpleto na ang 16 koponang maghaharap-harap sa unang round ng postseason tournament sa 2018-19 NBA season.
Ngayong araw nang humabol ang Detroit Pistons para sa ikawalo at huling playoff spot sa Eastern Conference makaraang magapi nila ang New York Knicks.
Dahil dito, makakaharap ng Pistons sa unang round ang top-seeded na Milwaukee Bucks, na mayroon ding alas na homecourt advantage.
Ang second-seeded Toronto Raptors, na inaasahang pamumunuan ni Kawhi Leonard, ang makakatapat ng Orlando Magic, na nasa ikapitong puwesto.
Magtutuos naman ang fourth-seeded na Boston Celtics at ang fifth-seeded Indiana Pacers, maging ang Philadelphia 76ers na hahamunin ng Brooklyn Nets.
Habang sa Western Conference, susubukan ng eigth-seeded Los Angeles Clippers na payukuin ang back-to-back defending champion na Golden State Warriors.
Magkokontrahan naman ang Indiana Pacers (5th) at ang Houston Rockets (4th), na gigil nang makabawi sa Warriors nang mabigo ang mga ito sa conference finals noong nakalipas na taon.
Ang Portland Trail Blazers (6th) nina Damian Lillard at C.J. McCollum ang sasalpukin ng Oklahoma City Thunder (6th) na pagbibidahan ng tandem nina Russell Westbrook at Paul George.
Samantalang ang Denver Nuggets (2nd) naman ang susubukang itumba ng San Antonio Spurs (7th).
Ayon sa mga observers, may posibilidad na mabuwag na ang paghahari ng Golden State sa liga ngayong season lalo pa’t may umuusbong pang ibang mga teams na target maangkin ang korona sa NBA finals.
Asahan din umano na magiging kapana-panabik ang mga tagpo lalo pa’t wala na sa eksena si LeBron James dahil nalaglag na sa playoff contention ang Los Angeles Lakers.
Sisimulan ang Round One ng playoffs sa Abril 14, oras sa Pilipinas.