-- Advertisements --

Posibleng ngayong linggo na raw lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 proposed national budget.

Sa isang panayam, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pinag-aaralan pa ng Presidente ang panukalang pambansang pondo at isinasapinal ang kanyang magiging veto message.

“Asahan po natin this week maaaring mapirmahan na ni Pangulong Duterte ang national budget. Kasama po diyan ang veto message ni Pangulo,” saad ni Nograles.

Sa gitna ng mga issue sa proposed budget, nauna nang sinabi ni Senate President Vicento Sotto III na ang desisyon sa national General Appropriations Bill ay nasa kamay na ni Pangulong Duterte.

Nilagdaan ni Sotto ang P3.757-trillion proposed 2019 national budget na mayroong reservations at umapela kay Pangulong Duterte na i-veto ang “unconstitutional” provisions na nakapaloob dito.

Ayon sa Malacanang, gagamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang veto power kung ang ilang items sa proposed national budget ay unconstitutional.