BAGUIO CITY – Nasa adjustment period pa sa kanyang training ang bukod tanging Pinoy international basketball referee na kasama sa mga napiling official referees sa 2019 FIBA Basketball World Cup na gaganapin sa China simula sa darating na August 31.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ng 49-anyos na si Ferdinand “Bong” Pascual na dahil sa kanyang edad kaya nag-a-adjust siya sa paghahanda nila sa torneyo.
Sa kanyang edad aniya, umaabot na sa isang oras ang kanyang walking exercise mula sa 25 hanggang 30 minuto lang na ehersisyo noong siya ay bata-bata pa.
Ayon pa kay Bong, hindi madali ang dinadaanan ng mga aspiring international referees dahil kailangang sumailalim ang mga ito sa mahigpit na pagsasanay gaya ng physical exercise maliban pa sa mga requirements na kwalipikasyon ng organisasyon.
Sinabi pa ni Pascual na hindi niya inasahan na mapapabilang siya sa mga magsisilbing official referees.
Inamin nito na nabigyan na kasi siya ng pagikakataon na mag-officiate sa prestihiyosong torneyo noong nag-referee siya sa 2014 FIBA World Cup na ginanap naman sa Spain kung saan nakasama ang Gilas Pilipinas.
Nagsilbi rin siyang referee sa mga maraming international competitions gaya ng 2016 Rio Olympics.
Ibinahagi nito na isa sa mga hindi niya malilimutan at pinakamagandang karanasan ng kanyang pagiging referee ay nang mag-officiate siya sa mga malalaking basketball games sa Amerika na siyang gusto niyang maranasan ng mga deserving youth dito sa Pilipinas.
Umaasa pa ito na may mga kabataan sa bansa na tutulad sa kanyang career sa hanay ng sports, lalo na ang pagiging international referee.
Hindi rin nakaligtaan ni Pascual na ihayag ang pasasalamat niya sa Baguio City kung saan siya nag-aral ng kolehiyo dahil dito nagsimula ang kanyang career sa basketball.