Patuloy pa umanong binubusisi ng legal team ng Malacañang ang panukalang 2019 national budget at ipiprisinta kay Pangulong Rodrigo Duterte ang summary of changes sa budget bill sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, inaasahang sa loob ng linggong ito ay mapapasakamay na ni Pangulong Duterte ang summary of changes sa budget mula nang ito ay ihain nila sa Kongreso hanggang maipasa.
Ayon kay Sec. Nograles, magbibigay din sila ng opsyon kay Pangulong Duterte para matulungan sa pagpapasya kung lalagdaan o tuluyang i-veto ang buong budget bill.
Una nang nagbanta si Pangulong Duterte sa pag-veto ng buong budget bill kung may makita siyang iligal na probisyon.
Ngayong April 15 sana lalagdaan ni Pangulong Duterte ang General Appropriations Act of 2019 pero hindi na matutuloy matapos tanggalin sa schedule ng pangulo ngayong araw.