Kinumpirma ni Executive Sec. Salvador Medialdea na pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang General Appropriations Act of 2019.
Matatandaang ito ang orihinal na petsang sinabi ng Malacañang kung kailan lalagdaan ng Pangulong Duterte ang 2019 national budget.
Kasabay nito, inamin din ni Sec. Medialdea na na-veto ni Pangulong Duterte ang P95.3-billion na alokasyon.
Ayon kay Sec. Medialdea, hindi umano ito bahagi ng priority projects ni Pangulong Duterte.
“The President, among others, vetoed 95.3 Billion pesos items of appropriations in the Details of DPWH Programs/Projects, which are not within the programmed priorities,” mensahe ni Medialdea.
Una rito, sinabi ng Pangulong Duterte na maaaring i-veto nito ang buong 2019 national budget sa oras na mapatunayang ito ay “unconstitutional.”
Maalalang hindi magkasundo ang Senado at ang Kamara sa bersiyon ng proposed budget dahil sa akusasyon ng mga insertions na nagpaantala sa deliberasyon.
Kasunod nito, nagbanta ang mga economic managers na babagal ang economic growth ng bansa kung magpapatuloy ang paggamit na re-enacted 2018 budget.