Inilabas na ngayon ng Malacañang ang Veto Message ni Pangulong Rodrigo sa General Appropriations Act of 2019 na ipinadala sa Kongreso.
Magugunitang umaabot sa mahigit P95 billion ang halaga ng mga alokasyong ni-line veto ni Pangulong Duterte dahil sa pagiging unconstitutional.
Batay sa kopya ng Veto Message ni Pangulong Duterte, kabilang dito ang paggamit ng income o kita ng Department of Labor and Employment-National Labor Relations Commission (DOLE-NLRC) para sa kanilang operasyon dahil mayroon na silang funding requirements sa ipinasang budget.
Pinawalang-bisa rin ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang concerned agencies sa mga proyektong popondohan ng excise tax mula sa mga sigarilyong gawa sa Pilipinas dahil taliwas ito sa RA 7171 at RA 10352 na nagbibigay mandato sa local government units (LGUs) at hindi sa national government sa pagpapatupad ng mga nasabing programa.
Ni-line veto rin ni Pangulong Duterte ang mga probisyong naglalaan ng financial assistance sa mga local government units (LGUs), munisipalidad at lungsod para sa maternal and child health projects dahil sang-ayon daw sa RA 11148, ito ay responsibilidad ng Department of Health (DoH).
Ibinasura rin ni Pangulong Duterte ang Section 96 sa General Provisions para sa Cost of Devolved Health Services of Local Government Units (LGUs) dahil babawasan nito ang share ng mga LGUs sa internal revenue allotment (IRA).
Isa rin sa mahalagang probisyong pinawalang-bisa ni Pangulong Duterte ang paggamit ng calamity fund para sa relief, recovery, reconstruction at iba pang trabahong may kinalaman sa sakuna o kalamidad na naganap dalawang taon makalipas ang budget year o ibig sabihin ang calamity fund ngayong 2019 ay hindi maaaring gagamitin para sa pinsalang iniwan ng bagyong naganap noong pang 2017.
Dahil din sa pagkakabuwag na ng Road Board, ni-line veto ni Pangulong Duterte ang mga probisyong nagpapahintulot sa DPWH-Office of the Secretary na magbigay ng special road support fund, special road safety fund, special local road fund at special vehicle pollution control fund ng Department of Transportation-OSEC dahil ang mga nasabing probisyon umano ay irrelevant na.
Samantala, ibinasura rin ni Pangulong Duterte ang Special Provision No. 17 na nagbabawal sa paggamit ng Unprogrammed Appropriations (UA) dahil balakid umano ito sa pagtupad ng official duties bilang head ng Executive Branch partikular sa pagpasok ng loan agreements na alinsunod sa Section 20, Article VII ng Konstitusyon.