-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tiwala ang mga residente ng Estados Unidos ng Amerika na magagawa ng kanilang pamahalaan na malabanan ang pagkalat ng 2019-nCoV matapos makumpirmang aabot na sa 11 katao sa Amerika ang may infection ng nasabing virus.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Winston Sario mula Napa, California, sinabi niya na nagsisilbing official quarantine area ngayon para sa California ang Travis Air Force Base.

Aniya, ito ay matapos maitala ang anim na kaso sa California kung saan tigdalawa ang kaso sa San Benito County, Santa Clara City at Orange County.

Sinabi niyang agad dumidiretso at lumalapag sa nasabing military base ang mga international flights para sa kaukulang pagproseso sa mga pasahero ng mga ito at kung sakaling may makumpirmang magpositibo ng 2019-nCoV ay agad itong isasailalim sa quarantine doon.

Dinagdag ni Sario na bagaman concerned ang mga taga-Amerika sa isyu ng nCoV ay hindi nagpa-panic at hindi masyadong natatakot ang mga ito dahil kumpiyansa sila na nakatutuk sa isyu ang U.S. Department of Health at Centers for Disease Control and Prevention.

Ayon pa sa kanya, nakakatulong din sa hindi pag-panic ng mga tao ang kawalan ng exaggeration sa news doon ukol sa nCoV.

Gayunman, sinabi niya na may mga ilang residente sa mga states kung saan naitala ang kumpirmadong nCoV cases na nagsusuot na ng face mask habang ang iba ay hindi na pumupunta ng Chinatown sa California dahil din sa takot ng mga ito.

Napag-alamang maliban sa California ay naitala ang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa Illinois, Arizona, Washington State at Massachusetts.