Pormal nang kinansela ng ASEAN Para Sports Federation (APSF) ang 10th ASEAN Para Games na idaraos sana dito sa Pilipinas dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang liham na may petsang Mayo 8, sinabi ni APSF President Major General Osoth Bhavilai, nagpasya silang kanselahin na ang nasabing event matapos manawagan ang Philippine Sports Commission (PSC) na ipagpaliban na muna ang lahat ng mga sporting events ngayong taon bunsod ng COVID-19 pandemic.
“We, APSF, would like to thank the Philippines for all efforts taken prior to the games for the preparation. We appreciate why such decision need to be made,” saad sa liham.
Nakatakda naman aniyang magsagawa ng online meeting ang Board of Governors para talakayin ang susunod nilang hakbang.
Isasagawa sana ang Para Games sa Oktubre 3 hanggang 9.
Una nang kinansela ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez ang lahat ng mga sports activities sa bansa hanggang Disyembre bilang pagsunod sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF).