Naniniwala si Makabayan party-list Rep. Ferdinand Gaite na posibleng dahil sa awayan sa speakership race ang ugat ng hindi pagkakaintindihan sa ngayon sa 2020 proposed national budget.
Kung titingnan ayon kay Gaite, si House Deputy Speaker for Finance Villafuerte ay kaalyado ni Speaker Allan Peter Cayetano habang si Appropriations Committee chairman Isidro Ungab ay iniuugnay naman kay Davao Rep. Paolo Duterte at Mayor Sarah Duterte-Carpio.
Ang mga ikinikilos aniya ng dalawng lider ng Kamara ay nagpapakita lamang ng away ng kanilang mga principals.
Bukod dito, sinabi ni Gaite na ang pagkakatalaga ng mahigit 20 na deputy speakers ay nagpapakita rin ng naturang away at nagdagdag pa ng biyurukrasya sa Kongreso para lamang pantayan ang trabaho ng mga chairmen ng mga komite.
“It is like having a shadow government in Congress,” ani Gaite.
Isa rin aniya sa mga dapat na ikonsidera sa usapin na ito ang magkakalabang paksyon sa kongreso na may kanya-kanyang sariling prayoridad at pet initiatives.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nananatili pa ring issue ang sinasabing pagsisingit ng pork barrel sa loob ng pambansang pondo.
Gayunman, umaasa si Gaite na mareresolba ang budget impasse na ito sapagkat ang kapakanan naman aniya ng taumbayan ang dapat na unahin sa halip ang pork barrel ng ilang piling politiko.