BUTUAN CITY – Tuluyan nang kinansela ng Department of Education (DepEd) Caraga ang 2020 Caraga Region Athletic Association Meet – Island Games sa Siargao Island na sisimuilan sana ngayong Biernes, Marso13.
Ito’y bilang pagtalima sa DepEd Memorandum No. 32-2020 matapos ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases ang Code Red sub-level 1 alert dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bernard Abellana – regional sports coordinator ng DepEd-Caraga na matapos magdesisyon ang kanilang sentrong tanggapan na kanselahin ang lahat ng mga national at regional activities, umapela kay Education Secretary Leonor Briones si Regional Director Francis Cesar Bringas na ipaagpatuloy ang Island Games sa Siargao ngunit ito’y binasura ng kalihim.
Napag-alamang sa lahat ng mga nakahanay na aktibidad ng naturang ahensya, ang tanging hindi kinansela ay ang 2020 National Festival of Talents sa Ilagan, Isabela at ang National Schools Press Conference na isinagawa ngayon sa Tuguegarao City.
Ito’y kahit na sa 12 mga delegasyon ay sampu na ang nakarating na sa nasabing isla.
Hindi pa malinaw kung kailan gagawin ang aregional sporting event dahil nakadepende ito sa magiging sitwasyon ng bansa sa kabila ng Covid-19 scare.