-- Advertisements --

Aminado ang National Economic and Development Authority (NEDA) na malaki ang impact ng pinsalang iniwan ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa ekonomiya ng bansa na sumadsad na nga dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, batay sa kanilang pagtaya, nasa .15 percentage points ang mawawala o ibababa ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa buong taon.

Ayon kay Usec. Edillon, katumbas ito ng nasa P90 billion pero maaari pa itong magbago dahil kinokolekta pa ang data sa ground.

Pero sa kabila nito, masayang ibinalita ni Usec. Edillon na gumagaling o bumabawi na rin ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakalugmok sa COVID-19 pandemic.

Kung noong second quarter ay naitala sa -16 level ang ekonomiya ng bansa, bahagyang bumawi na ito sa -11 percent nitong third quarter at tiwala silang magpapatuloy ang ganitong trend dahil sa unti-unting pagbubukas ng mga negosyong nagsara o nalimitahan ang operasyon sa mga ipinatupad ng lockdown.