Sinimulan nang isalang sa plenaryo ng Senado ang pagtalakay sa P4.1 trillion national budget para sa taong 2020.
Sa sponsorship speech ni Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, binigyang diin nito ang kahalagan ng tamang oras na pagpasa sa pambansang pondo upang hindi maulit ang problemang nangyari nang maantala ang 2019 national fund.
Prioridad umano sa General Appropriations Bill (GAB) ang public services, Build Build Build at iba pang main agenda ng Duterte administration.
Nangangamba si Angara na kung hindi agad mailulusot ang GAB, baka bumagal lalo ang Gross Domestic Product (GDP) at maantala ang pag-aaral ng mga estudyanteng umaasa lamang sa scholarship grants na kabilang sa pinopondohan ng mga ahensya.
Partikular na mabibiyayaan sa cash grants ang mga medical scholars sa state universities and colleges (SUCs).
“Naglaan din tayo ng P167 million para magkaroon ng cash grants ang ating mga medical scholars sa mga SUCs,” wika ni Angara.
Pinasalamatan naman nito ang mga kasamahang mambabatas dahil sa pagsusulong ng mahahalagang bahagi ng national budget.