Bubusisiin umano nang husto ng Senado ang P100-milyong alokasyon sa mga kongresista sa ilalim ng 2020 proposed P4.1-trillion national budget na nakalusot na sa Kamara.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi nila mamadaliin ang paghimay sa pambansang pondo at sasalang ito sa masusing pag-aaral.
Sisiguruhin din aniya ng kanilang hanay na hindi makakalusot ang mga isiningit sa national budget.
“‘Di makakalusot kay Sen. [Sonny] Angara at kay [Sen. Ping Lacson]. What he means maybe a bottom up request for budget of local, tapos ang cong ang nag-incorporate. Kung ganu’n ang sitwasyon pwedeng pork, pero it could also be a bottom-up budgeting,” wika ni Sotto.
Maliban dito, sinabi ni Sotto na susuriin din nila ang alokasyon para sa polio vaccination at information programs.
“Yes, ‘yung info campaign nila marami silang pondo, ang gusto namin i-scrutinize paano nila ginamit, marami rin nasayang malaki wastage sa P1B na gamot na nasayang. Madali sana ilipat ‘yun sa immunization program na mahalaga,” ani Sotto.
Una nang iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na hindi ito “pork barrel, illegally parked funds o insertions,” dahil ang mga proyektong paglalaanan nito ay “itemized” sa National Expenditure Program (NEP) pa lamang na isinumite sa Kamara ng executive department.
Paliwanag ni Salceda, nakabase ang mga ito depende sa pangangailangan ng mga constituents ng mga kongresista pero ang Department of Budget and Management (DBM) ang pipili sa mga ito at mag-aapruba sa pondo para rito.
“All projects identified by representatives of congressional districts and party list groups that were included by the Executive Department in the NEP, were deemed necessary based on the complete work plans and feasibility studies that were submitted by district, Provincial or regional authorities of the various department,” ani Salceda.