Ipinasok ni Anthony Davis ang game-winning free throw upang ilista ang 157-155 pagdomina ng Team LeBron sa Team Giannis sa ginanap na makapigil-hiningang 69th NBA All-Star Game nitong Linggo (Lunes, Manila time).
Si Los Angeles Clippers star Kawhi Leonard, na itinanghal bilang kauna-unahang Kobe Bryant All-Star MVP awardee, ang siyang bumuhat sa Team LeBron na humakot ng 30 points.
Mistulang nag-init din ang kamay ni Leonard makaraang magpakawala ito ng walong three-pointers, na isa na lamang ang kulang upang mapantayan ang All-Star record ni Paul George noong 2016.
Habang si Giannis Antetokounmpo naman ang sinandalan ng kanyang koponan makaraang tumabo ng 25 points.
Ibinigay ni LeBron James, na tumipon ng 23 points, sa Team LeBron ang 156-153 abanse ngunit nagmintis ang pinukol na 3-pointer ni Chris Paul.
Natapyasan pa ng Team Giannis sa isa ang puntos na kailangan nilang habulin nang maipasok ni Joel Embiid ang dalawa nitong free throws, 156-155.
Kinailangan ng winning team na maabot ang 157 points makaraang irehistro ng Team Giannis ang 133-124 cumulative lead sa loob ng unang tatlong quarters.
Ang target na final score ay dinetermina sa pamamagitan ng pagdadagdag ng 24 points sa iskor ng koponan na lamang sa loob ng naturang yugto, bilang bahagi na rin ng tribute kay Bryant.
Maliban dito, kapansin-pansin din ang suot na kulay blue na jerseys ng Team LeBron na No. 2 ang nakalagay na numero, samantalang No. 24 naman sa Team Giannis.
Sinasabing pagpupugay din ito para kay Bryant, na isinuot ang No. 24, at sa anak nitong si Gianna, na ginamit ang No. 2, na kapwa nasawi sa pagbagsak ng sinakyan nilang helicopter sa Calabasas, California nitong Enero 26.
Samantala, ito rin ang kauna-unahang All-Star Game mula noong 2013 na hindi naglaro si Warriors guard Stephen Curry, na nagpapagaling pa mula sa injury nito sa daliri.
Maging si Nets forward Kevin Durant, na hinirang na 2019 All-Star Game MVP, ay hindi rin nakasama sa line-up dahil sumasailalim pa ito sa rehabilitation makaraang mapunit ang Achilles tendon.
Nakakuha rin ng kabuuang $400,000 ang Team LeBron, na ibibigay nila sa Chicago Scholars.