Itinuturing ng Malacañang na malaking hamon ang taong 2020 para sa mga Pilipino kung saan lubhang apektado ang kabuhayan ng ating mga kababayan.
Bunsod na rin ito ng tumamang COVID-19 pandemic na labis na nakaapekto sa ekonomiya ng buong mundo at sa socio-economic condition ng mga Pilipino.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dahil sa global health crisis ay lumala ang unemployment rate, nawala ang maraming livelihood opportunities at dumami ang mga nakakaranas ng gutom.
Pero ayon kay Sec. Roque, unti-unti ng nababago ang takbo ng sitwasyon bunsod ng muling pagbubukas ng ekonomiya.
Inihayag ni Sec. Roque na dito nakaangkla ang bansa para sa papasok na taong 2021 na kung saan mas maraming mga negosyo at mga industriya ang magbubukas pa para muling makabangon at lumakas ang ekonomiya.
Magpapatuloy umano ang kampanyang “Ingat Buhay para sa Hanapbuhay” para muling maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino.