-- Advertisements --

Magiging mabilis na umano ang deliberasyon ng Kamara para sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.

Ayon kay House Committee chairman Isidro Ungab, nais ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi na maulit pa ngayon ang pagkaantala sa pagpasa ng 2020 national budget.

Inaasahang isusumite ng ehekutibo ang 2020 proposed national budget sa susunod na dalawang linggo at ayon kay Ungab ay kanila itong aasikasuhin kaagad.

Bilang nagmula raw siya sa banking sector at ang kanyang background ay finance, madali niyang malalaman kung ano ang mga “insertion” at ang pumasa sa usual na procedures.

Ang kanyang karanasan aniya bilang chairman ng komite sa nakalipas na mga kongreso ay makakatulong din daw sa kanilang magiging deliberasyon sa 2020 proposed national budget.

Ipinagmalaki pa niya na sa ilalim ng kanyang chairmanship noon ay tatlong magkakasunod na taon naipasa ng eksakto sa oras ang General Appropriations Act.