BAGUIO CITY – Pasok na sa 2020 Tokyo Olympics ang Pinoy taekwondo jin na si Kurt Bryan Dela Vega Barbosa mula Bangued, Abra.
Kasunod ito ng “come-from-behind” win niya mula sa laban nila ng hometown bet sa men’s 58-kg semifinals division ng 2021 Asian Taekwondo Olympic Qualification Tournament na ginawa sa Amman, Jordan, kamakalawa.
Dahil dito, ang 22-anyos ang ika-siyam na Pinoy athlete na nakapasok sa Tokyo Olympics at nag-iisang kinatawan ng bansa sa larangan ng taekwondo sa nasabing international multi-sport event.
Ang 2019 Southeast Asian Games taekwondo gold medalist ang kauna-unahang Filipino male taekwondo jin na nakuwalipika sa Olympics sa loob ng 13 taon.
Sa social media, ibinahagi ni Barbosa na hindi naging madali ang mga pinagdaanan niya lalo’t pandemya at malayo siya sa kanyang pamilya kasabay ng pagsasailalim nila sa training bubble ng ilang buwan.
Maliban sa Diyos, pinasalamatan din niya ang patuloy na suporta at tulong ng pamahalaan, mga sponsor at coach ng mga ito, pamilya at mga kaibigan niya.
Inilarawan niya bilang isang karangalan ang maging kinatawan ng Pilipinas at ipagpapatuloy niya ang pagbigay ng pagkilala sa bandila ng bansa.