Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang buwan ng Agosto o Setyembre para sa pagbubukas ng klase sa ilaim ng tinatawag na enhanced blended learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inilabas ng DepEd ang statement matapos muling tanggihan o ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal nitong pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa mga itinuturing na low risk areas sa COVID-19 transmission.
Ang desisyon ni Pangulong Duterte ay bunsod ng paglutang ng Delta variant ng COVID-19 na mas nakakahawa at dahil sa hindi pa nakakamit na herd immunity o pagkakabakuna sa 70 percent ng lahat ng mga Pilipino.
Nakapaloob sa DepEd statement na ilalabas ang final school calendar para sa School Year 2021-2022 sa sandaling makuha na ang final approval ni Pangulong Duterte.
Kabilang umano sa proposal nilang school opening ang August 23, 2021, September 6, 2021 o September 13, 2021.
Sa ilalim ng enhanced blended learning scheme, ang mga mag-aaral magkakaroon ng edukasyon sa pamamagitan ng online classes o kaya sa printed modules na ibibigay ng kanilang mga guro.
“We are hopeful that our partners and stakeholders will come together once again in this endeavor and work with us to serve the interest of our Filipino learners,” bahagi ng DepEd statement.