-- Advertisements --

Naging matagumpay pa rin ang kauna-unahang fluvial Parade of Stars ng 47th Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong araw ng Linggo, December 19.

Ito’y sa kabila ng pag-ulan mula madaling araw hanggang sa oras na sinusulat ang balitang ito.

Gayunman, pasado alas-2:00 na ng hapon binuksan ang parada sa pamamagitan ng pagpapatunog ni Metropolitan Manila Ddevelopment Authority Chairman Benhur Abalos sa tila gong na siyang hudyat ng pagsisimula ng nasabing event.

MMFF fluvial parade 2

Mula sa Guadalupe Ferry Station, dumiretso ang walong karosa sa eastbound papuntang C-5 Bagong Ilog Bridge. Lumiko ito bago huminto sa Pasig City side, Mandaluyong side at dumiretso sa Circuit Makati bilang endpoint ng destinasyon.

Kabilang pa sa nag-showdown sa Parade of Stars ang mga sumusunod:

“A Hard Day” na kinakatampukan nina Dingdong Dantes at John Arcilla

“Big Night” kung saan bida sa Christian Bables

“Love At First Stream” (Anthony Jennings, Jeremiah Lisbo, Daniela Stranner, Kaori Oinuma)

“Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine)” nina Daniel Padilla at Charo Santos

“Nelia” tampok sina Winwyn Marquez at Raymond Bagatsing

“Huwag Kang Lalabas” nina Kim Chiu, Beauty Gonzales at Aiko Melendez

“The Exorsis” ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga

“Huling Ulan sa Tag-Araw” nina Ken Chan at Rita Daniela

Una nang pumili ang MMFF organizers mula sa 19 na isinumiteng pelikula base sa artistic excellence (40%), commercial appeal (40%), Filipino sensibility (10%), at global appeal (10%).

Iba’t ibang genre ang MMFF entries ngayong taon mula sa social drama, horror, action, suspense, romance, at comedy.

Samantala, muling tiniyak ng MMDA na magpapatupad ng guidelines ang pandemic task force sa mga sinehan alinsunod sa safety protocols laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Noong nakaraang taon sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, virtual o sa pamamagitan lamang ng online idinaos ang Parade of Stars kung saan tinanghal na Best Float ang “Fan Girl.”

Ang nasabing coming-of-age movie rin ang big winner matapos hakutin ang halos lahat ng major awards gaya ng best screenplay, best picture, best director para kay Antoinette Jadaone, best actress sa newcomer na si Charlie Dizon, at best actor kay Paulo Avelino.