-- Advertisements --

CEBU – Nakatuon sa tatlong bagay ang dapat marinig ng taongbayan mula sa mga tatakbo sa 2022 national elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Dr. Clarita Carlos, University of the Philippines-Diliman professor, sinabi nito na dapat malaman ng mga Pilipino sa bawat kandidato lalo na sa pagka-pangulo ang plano nito sa pangkalusugan, edukasyon at kapiligiran, partikular na ang isyu sa Climate Change.

Ayon kay Dr. Carlos, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na “coastline” sa buong mundo ngunit hindi na ito nakikita dahil sa pataas ng pataas na tubig sa dagat kaya dapat lang na may mga kandidato na tatalakay din tungkol sa Climate Change.

Aniya, ito ang mga bagay na dapat ikonsidera ng mga botante sa pagpili ng kandidato sa eleksyon sa susunod na taon.

Binigyang-diin pa ng nasabing political analyst na maliban sa mga plano sa politika ng mga kandidato ay dapat ding bigyan ng pansin ang nabanggit na tatlong bagay na mahalaga rin sa bansa.