Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang P5.024 trillion national budget para sa 2022.
Kabuuang 238 kongresista ang pumabor at anim ang tutol sa approval ng House Bill 10153 o ang 2022 General Appropriations Bill matapos ang ilang sandali nang inaprubahan ito sa ikalawang pagbasa.
Naging posible ito kasunod nang pagsertipika ni Pangulong Rodrigo Duterte sa GAB bilang urgent measure.
Walong araw lamang ang inabot ng Kamara para sa kanilang plenary deliberations.
Samantala, bumuo naman ng small committee ang Mababang Kapulungan na siyang tatanggap ng mga individual amendments sa panukalang pambansang pondo.
Binibigyan ang small committee ng hanggang sa Oktubre 5 para maisumite ang kanilang mga amyenda sa budget.
Ang small committee na ito ay pangungunahan ni Appropriations Chairman Eric Yap, Appropriations Vice Chair Joey Salceda at Majority Leader Martin Romualdez.
Kabilang din dito ang mga kinatawan mula sa minorya tulad nina Marikina Rep. Stella Quimbo habang independent naman si Albay Rep. Edcel Lagman.