KALIBO, Aklan — Naabot at nahigitan pa ng Malay Municipal Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Malay ang kanilang target na umaabot na ngayon sa mahigit sa 2 million ang turistang bumisita sa Isla ng Boracay mula Enero 1 hanggang Disyembre 20 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Malay Municipal Tourism Officer Felix delos Santos na umabot sa 2,041,821 ang bilang ng mga nagbakasyon sa isla, mas mataas sa projected tourist arrival na 1.8 million.
Ito ay kinabibilangan ng local tourist na may 1,600,976 ukon 76 per cent ng kabuuang tourist arrivals habang ang foreign tourist ay 402,649 o 23 per cent at ang overseas Filipinos ay umabot sa 38,196 o 1 per cent.
Dahil dito, nanawagan si delos Santos na paunlarin pa ang tourism industry sa Boracay upang lubusang makabangon mula sa pagkalugi dahil sa pandemya.
Samantala, dahil buhos na ang mga turista sa Boracay ngayon kapaskuhan hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon na itinuturing na super peak, halos fully-booked na ang maraming hotel at restaurant sa isla.
Asahan din umano ang 20 per cent na pagtaas sa mga hotel rates.
Inabisuhan din nito ang mga bakasyunista na magpa-book ng maaga at kung maari ay direktang makipag-transaksyon sa mga DOT accredited na accommodation establishments para hindi mabudol.
Sa kabilang daku, dahil limitado lamang ang bilang ng mga beach guards sa isla, hanggang alas-7 lamang ng gabi pinapayagang makapaligo sa dagat.
Para sa dagdag kaalaman kaugnay sa mga ipinapatupad na patakaran, maaring pumunta sa Boracay Info Guide App.