Posibleng magtapos ang 2024 nang may 95-day o mahigit tatlong buwan na stock ng bigas.
Ito ay alinsunod sa projection ng DA na rice production ng hanggang 20 Million MT ng bigas ngayong taon.
Batay sa pagtaya ng ahensiya, maaaring umabot ang imbentaryo ng bigas hanggang 3.6 million MT sa pagtatapos ng taon.
Ito, ayon kay Agriculture Assistant Secretary U-Nichols Manalo, ay sapat na buffer stock para sa 95 na araw.
Ang mataas na volume ng bigas sa pagtatapos ng taon aniya ay tiyak na magbibigay ng komportableng supply sa pagsisimula ng 2025 sa kabila ng mga problema sa panahon, at problema sa international trade.
Ngayong taon ay target ng DA na magkaroon ng 20.4 million MT na produksyon ng palay sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng sektor ng pagsasaka katulad ng katatapos na El Nino at ang papasok na La Nina.
Una na ring sinabi ng ahensiya na maliit na porsyento lamang ng mga palayan ang naapektuhan sa pangkabuuang pananalasa El Nino sa bansa.
Ayon pa kay Manalo, maaaring aangkat ang Pilipinas ng mahigit 3.6 million MT ng bigas ngayong taon. Ito ay mas mataas ng 400,000 hanggang 500,000 MT kumpara sa mga nakalipas na taon.