Inihayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin na ang badyet ng CHED para sa 2025 ay muling nagpapatibay sa kanilang dedikasyon sa pagpapaunlad ng kahusayan sa akademiko, pagsuporta sa mga tagapagturo, at pamumuhunan sa kinabukasan ng ating bansa.
Sa kabila ng mga hamon nagawang gampanan ng Commission on Higher Education (CHED) ang kanilang mandato.
Ibinida ng CHED ang kanilang mga achievements o ang mga kapansin-pansing tagumpay sa anim na pangunahing bahagi ng higher education sector sa ikalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr:
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) humihingi ang CHED ng P31.68 billion tumaas ng 2.19 percent mula sa P30.987 billion budget na kanilang hiniling nuong 2024.
Binigyang-diin ni Garin na sila sa Kongreso ay nakahandang umalalay sa CHED kung saan ang bawat piso na ina-allocate sa ahensiya ay magdudulot ng magandang kinabukasan at magandang edukasyon para sa mga Filipinos.
Partikular na tinukoy ni Representative Garin ang mga naging accomplishments ng CHED ay ang: Pinahusay na access sa mas mataas na edukasyon kung saan nakamit sa pamamagitan ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) Programs, na kinabibilangan ng Free Higher Education, Tertiary Education Subsidy, at Tulong-Dunong Program; Napalakas nito ang edukasyong pandagat, na humantong sa patuloy na pagkilala ng European Commission sa mga sertipiko ng mga Pilipinong marino; Tinukoy at ipinatupad ng Nursing Education Program ang mga makabagong solusyon upang matugunan ang kakulangan ng mga nars; Pagpapalawak ng access sa medikal na edukasyon ay naglalayong makabuo ng mga world-class na manggagamot na magsasanay sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Ipinunto ni Garin na ang mga pagsisikap sa STEM education ay nagpapataas ng mga pandaigdigang ugnayan at nakabuo ng mga programa upang matugunan ang mga pangangailangan sa pandaigdigang merkado na may mga internasyonal na pakikipagtulungan sa Higher Educational Institutions (HEls).
Aniya ang internationalization of Philippine Higher Education lnstitutions ay nagpo-produce ng world-class universities at globally competitive graduates.