Namataan ang nasa 207 na barko ng China sa West Philippine Sea mula Setyembre 3 hanggang 9 ayon sa Philippine Navy.
Ito na ang itinuturing na bagong record-high na bilang ng Chinese vessels sa WPS ngayong 2024. Mas mataas ito ng bahagya sa naispatang 203 barko ng China noong Agosto 27 hanggang Setyembre 2,
Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na bagamat ilang mga sasakyang pandagat ng China ang umatras sa pagdaan ng bagyong Enteng sa lugar, hindi nagtagal ay pinalitan naman ang mga ito ng iba pang mga barko.
Base sa latest data ng ahensiya, nasa 182 maritime militia vessels ang namataan sa WPS, 18 ang China Coast Guard (CCG) vessels, 6 People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels, at 1 research and survey vessel.
Ayon pa sa opisyal, karamihan umano sa mga barko ng China ay nakasentro sa Escoda shoal kung saan nagbabantay ang PCG vessel na BRP Teresa Magbanua na pinunterya ng China Coast Guard vessel noong Agosto 31.
Tiniyak naman ng PN official na nananatiling seaworthy ang barko sa kabila ng tinamo nitong pinsala matapos banggain ng makailang ulit ng CCG.
Samantala, iginiit naman ng PN official na kahit isang barko lang ng China ang nasa EEZ ng ating bansa ay hindi katanggap-tanggap.
Saad pa ni Trinidad na pasok sa force projection capability ng South Sea Fleet ang naitalang bulto ng Chinese vessels sa WPS subalit hangga’t hindi aniya nagdadala ng ibang pwersa ang China mula sa East Sea Fleet at North Sea Fleet, nananatiling nasa normal range ito ng kanilang kapasidad.