Nananawagan na ang Amerika at 10 pang mga kaalyado nitong bansa para sa 21 araw na ceasefire o tigil-putukan sa may border ng Israel at Hezbollah sa Lebanon.
Ito ay para mapigilan na sumiklab ang malawakang digmaan sa Middle east region.
Mas dumami pa nga ang mga bansang nananawagn para sa de-escalation matapos na ihayag ng Israeli military na naghahanda sila para sa posibleng ground incursion sa Lebanon at hinimok ang kanilang 2 reserve brigades para sa operational missions sa northern sector.
Kaugnay nito, nagtitipun-tipon ngayon ang mga diplomat at world leaders sa New York para sa United Nations General Assembly para sa diplomatic talks para mapatigil ang labanan sa Middle east.
Inaasahan naman bukas, Biyernes magsasalita sa UN General Assembly si Israeli PM Benjamin Netanyahu na umalis na ng Israel nitong umaga ng Huwebes patungong New York para dumalo nga sa naturang pagpupulong.
Inaasahang ang pangunahing agenda ni Netanyahu sa pagdalo niya sa UN General Assembly ang posibleng pansamantlang ceasefire sa Hezbollah.
Ayon naman sa US officials kapwa pamilyar ang Israel at Hezbollah sa naturang panawagan para sa ceasefire.
Una ng sinabi ni US President Joe Biden na inendorso ang naturang plano para sa tigil putukan sa Lebanon at Israel ng mga bansa kabilang ang US, Australia, Canada, EU, France, Germany, Italy, Japan, Saudi Arabia, UAE at Qatar.
Sa kasalukuyan, ayon sa United Nation, pumalo na sa 90,000 katao sa Lebanon ang na-displace sa gitna ng nagpapatuloy na conflict.