CENTRAL MINDANAO – Nagsimula na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD-12) sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance sa mga left-out beneficiaries sa Pikit, Cotabato.
Base sa ulat ng MSWDO-Pikit, nasa 21 mula sa 30 barangays na kasali sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) ng nabanggit na bayan kung saan may kabuuang 1,352 left-outs ang una nang nakatanggap ng P5,000 bawat isa.
Limang barangay naman ng GIDA, kabilang ang Brgy. Balabak, Balungis, Gokotan, Inug-ug at Nabundas, ang inaantay na lang ang susunod na nakatakdang distribusyon nito habang inaayos pa ng Brgy. Talitay ang final lists ng left-outs nito at nagpapatuloy sa cross-matching examination ang ipinasang listahan ng Brgy. Gli-gli.
Samantala, ang Brgy. Lagunde, Panicupan, Bualan at Balatican na sakop din ng GIDA ay hindi na nagsumite ng listahan ng waitlisted beneficiaries para sa SAP cash assistance.
May ilang non-GIDA barangays naman sa Pikit ang kabilang sa mga makakatanggap rin ng SAP cash assistance para sa mga left-outs.
Ang mga ito ay ang Brgy. Poblacion, Ladtingan, Nalapaan, Kalakacan, Takepan, Dalingaoen, Batulawan, Fort Pikit, Tinutulan at Nunguan.
Katuwang ng DSWD-XII ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang lokal na pamahalaan ng Pikit sa pagkakaroon ng matiwasay na pamamahagi ng SAP cash assistance alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2 ng SAP Composite Team.