Nasa 21 drivers ang tinikitan ng PNP HPG sa isinagawa nilang clearing operation kahapon sa may bahagi ng Quezon Avenue at Edsa dahil sa illegal parking sa mga lugar na inilaan para sa bike lanes.
Nagbabala naman ang PNP sa mga may-ari ng mga sasakyan na ginagawang paradahan o kaya’y dumadaan sa bicycle lanes para makaiwas sa traffic.
Nakatanggap kasi ng kabi-kabilang reklamo mula sa mga bicycle rider at maging sa mga post sa social media.
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, pagpapakita ito ng kawalan ng paggalang sa mga biker at inilalagay din nila sa balag ng alanganin ang buhay ng mga ito.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na umano sila sa highway patrol group at local police commanders para sa clearing operations sa mga bicycle lane sa Metro Manila.
Ipinaalala rin ni Eleazar sa mga motorista ang karapatan ng mga bicycle rider sa lane na inilaan ng local government unit.
Dapat umanong masanay na ang mga private vehicle owner lalo’t marami na ang gumagamit sa bike bilang pangunahing transportasyon papasok sa kani-kanilang trabaho.
Sa ngayon, may designated bicycle lanes na sa lungsod ng Pasig, Taguig at Quezon City.
Pinag-aaralan na rin ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na maglagay ng bike lane sa Edsa.