-- Advertisements --
oman tanker 2
Two oil tankers were apparently attacked in Gulf of Oman.

Mapalad na nakaligtas ang 21 Pilipinong crew members ng Japan-operated “Kokuka Courageous” matapos itong pasabugin sa Persian Gulf.

Gamit ang life rafts ay nakatakas ang mga ito mula sa sumabog na barko.

Sa ngayon ay lulan na sila ng USS Bainbridge.

Ayon kay Lt. Col. Earl Brown, nasa international waters ang US Navy ship malapit sa Courageous nang makatanggap ito ng distress call bandang ala-sais ng umaga.

Kaagad namang rumesponde ang Bainbridge sa Courageous nang makita nila ang mga ito na nakasakay sa life rafts.

Nakatanggap din umano ang Naval Forces Central Command ng distress call mula sa MV Front Altair.

Kinumpirma naman ng shipping company na namamahala sa nasabing barko na ligtas din ang lahat ng sakay nito.

Maging si Labor Secretary Silvestre Bello ay tiniyak na ligtas ang mga Pinoy crews na lulan ng barko.

May sakay na 11 Pilipino, 11 Russians, at isang Georgian national ang Front Altair ship na unang pinasabog.

Sa ngayon ay inilapat ang mga crew sa isang Iranian navy vessel at dadalhin ang mga ito sa Bandar Abbas

Sa kabilang dako, matibay umano ang ebidensya na hawak ng United States na maaaring magdiin sa Iran na nasa likod ng pagpapasabog sa dalawang oil tankers sa Persian Gulf.

Sa inilabas na video ng US officials, nakuhanan gamit ang Navy P-8 surveillance plane ang patrol boat ng Islamic Revolutionary Guards na naglalayag papalayo sa “Kokuka Courageous,” isa sa dalawang barko na sumabog na pagmamay-ari ng bansang Japan.

Nakita rin sa nasabing ebidensya na tila may tinatanggal ang mga ito na pinaniniwalaang limpet mine na ginamit umano bilang pampasabog.

Tinawag naman ni Iranian Prime Minister Javad Zarif na isang “Iranophobic campaign” ang ginagawang pandidiin ng Estados Unidos at mga ka-alyadong bansa nito.

Una nang inihayag ni Zarif na walang kinalaman ang Iran sa naganap na pagpapasabog.

Ikinababahala naman ni United Nations secretary general Antonio Guterres na maaaring mauwi sa military escalation ang pangyayaring ito.