BAGUIO CITY – Aabot na sa 21 na Pilipino na nagtatrabaho bilang
nars, doktor at ordinary workers sa United Kingdom ang nasawi dahil sa COVID-19.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Francis Michael Fernando, Deputy Head of Care ng isang private care home sa Central London, United Kingdom, sinabi niyang lubos ang hinagpis at pagdadalamhati ng Filipino Community doon dahil sa dami ng frontliners na Pilipino na nasawi dahil sa COVID-19.
Gayunpaman, sinabi niyang sinusubukan pa rin ng mga Pinoy ang bumangon at ipinagpapatuloy pa rin nila ang kanilang trabaho.
Aniya, sa ngayon ay hinihintay ng Filipino community ang sagot ng Philippine Embassy hinggil sa hinihiling nilang tulong para sa mga pamilya ng mga nasawing Pinoy frontliners.
Inihayag pa ni Fernando na maliban sa mga nasawi ay marami ding Pinoy sa UK ang nagpositibo sa COVID 19 at karamihan sa mga ito ang sumasailalim sa isolation.
Sinabi niyang malaking problema ngayon ang kakulangan sa suplay ng personal protective equipment (PPEs) sa mga health care workers.
Binanggit niya na may tatlong Pinay nurses doon na napilitang gumamit ng trash bags bilang protective gowns.