Nasagip na ang 21 mula sa 22 Pilipinong seafarers na lulan ng MV Tutor na inatake ng Houthi rebels habang naglalayag sa Red Sea.
Ito ang kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Sabado.
Aniya, ni-rescue ng combined international forces ang 21 Pilipinong seafarer mula sa barko at inilipat sa security forces ship saka dinala sa ligtas na pantalan.
Hindi naman na idinetalye pa ng opisyal ang kasalukuyang kinaroroonan ng mga sinagip na Pilipinong tripulante para sa security reasons subalit tiniyak ng opisyal na ligtas na ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Cacdac patuloy ang paghahanap sa isa pang Pilipinong seafarer matapos ang pag-atake na nananatili aniyang nasa loob ng barko .
Magsasagawa aniya ng salvaging operation sa barko at babalik ang grupo para hanapin ang nawawalang seafarer.
Matatandaan na noong araw ng Miyerkules pa nangyari ang insidente kung saan inako ng Houthi rebels ang pag-atake sa naturang barko.
Ang pag-atake ng Houthis sa international shipping sa Red Sea region simula pa noong Nobiyembre 2023 ay bilang pakikisa sa mga Palestino na naiipit sa giyera sa pagitan ng kanilang kaalyadong Hamas kontra sa Israel.