-- Advertisements --

Makakauwe na rin sa bansa ang 21 Pinoy seafarers mula sa Ukraine.

Kinumpirma ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) at sinabing nakatakdang makarating ito sa bansa sa darating na Marso 8.

Ayon sa DFA, ang mga naturang maglalayag ay nagawang tumawid mula sa Ukraine patungo sa Moldova sa tulong ng Philippine Honorary Consulate ng Moldova, at Philippine Embassy in Budapest.

Ang 21 mga seafares ay mga crew members ng M/V S-Breeze, na isang bulk carrier na kasalukuyang kinukumpuni sa Ilyichevsk Shipyard sa port of Odessa sa Ukraine noong Enero 27.

Samantala, inihayag din ng kagawaran na may isa pang grupo ng 13 Filipino seafarers na mga tripulante naman ng MV Star Helena, ang tumawid din mula sa Ukraine patungong Moldova.

Ang mga ito ay inilikas naman mula sa Ukrainian city ng Chornomorsk at kasalukuyang hinihintay na lamang ang kanilang repatriation.

Magugunita na una rito ay nanawagan na ang DFA sa natitira pang 116 na mga Pinoy sa Ukraine na umalis na sa bansa lalo na ngayong mas tumitindi pa ang kaguluhan doon.