Nagkukumahog ngayon ang mga US officials upang magplano kung paano ililikas ang nasa 3,500 sakay ng Grand Princess cruise ship na ngayon ay nasa kalagitnaan ng karagatan sa California.
Sa isinagawang Coronavirus Task Force press briefing, sinabi ni US Vice President Mike Pence na 46 na sakay ng cruise ship ang sumailalim sa pagsusuri kung saan 21 ang nagpositibo sa COVID-19 habang ang isa naman ay inconclusive pa.
Sa 21 na napatunayang may virus, 19 sa mga ito ay tripulante ng barko at dalawa ay pasahero.
Amg local WHO sa Pilipinas ay iniulat naman na patuloy nilang beneberipika na anim na mga tripulanteng Pinoy ang kabilang sa nahawa sa COVID-19.
Kamakailan lamang nang ipag-utos ng mga otoridad na huwag nang ituloy ng barko ang paglalayag kasunod ng nakuha nilang balita na dito huling nanggaling ang (pitumput isang) 71-taong gulang na lalaki na namatay dahil sa naturang sakit.
Ang nasabing pasahero ay kasama umano sa huling byahe ng barko noong nakaraang buwan.
Nangangamba naman ngayon ang mga health experts na kung itutuloy daw ang paglilikas sa mga pasahero ng Grand Princess ay posible raw na maulit ang nangyari sa Diamond Princess.
Kung maaalala, isinailalim sa two-weeks quarantine ang Diamond Princess cruise ship sa Japan noong nakaraang buwan matapos magpositibo sa coronavirus ang nasa 700 sakay nito at anim ang namatay.
Ang parehong barko ay ino-operate ng Princess Cruises.
Ayon kay Pence, dadaong ang Grand Princess sa isang “non commercial port” ngayong araw. Lahat ng pasahero at crew members nito ay sasailalim sa pagsusuri.
Nasa 54 nationalities ang sakay ng barko. 2,422 ay mga pasahero at 1,111 ang mga tripulante.
Nasa mahigit 500 sa mga crew ay mga Pinoy.