-- Advertisements --

Lomobo pa sa mahigit 200 ang mga players na naipasok sa quarantine ngayong bagong NBA season dulot pa rin nang pananalasa ng COVID-19 sa liga.

NBA Lakers spurs
Video grab (NBA)

Sa report nitong araw ng NBA, umabot na sa kabuuang 214 ang mga players na isinailalim sa health and safety protocols kung saan nasa 201 sa mga ito ay nito lamang buwan ng Disyembre.

Ang 170 naman na mga players at anim na mga NBA head coaches ang inilagay din sa protocols sa nakalipas na dalawang linggo.

Nitong nakaraang Lunes ang pinakamaraming players ang isinailalim sa protocols na umabot sa 28.

Samantala nagpatupad naman ang NBA at National Basketball Players Association nang pagbabago sa sistema ng protocols.

Kung saan ang isang NBA player at coach na vaccinated na at nagpositibo sa COVID at wala namang symptoms ay maari na ring makabalik sa paglalaro makalipas lamang ang anim na araw.

Kailangan lamang ang dalawang negative COVID results sa loob ng 24 oras.

Taliwas ito sa dati na inaabot ng 10 araw ang quarantine sa mga players, coaches at staff.

Sinasabing malaking impact ang naturang bagong protocols sa gitna na rin ng ilang mga games na nakansela at dumaraming players na tumatagal sa isolation.

Una nang iniulat kamakailan ni NBA Commissioner Adam Silver na ang Omicron variant ang siyang responsable sa 90% ng outbreak sa COVID-19.