-- Advertisements --
Diamond Princess cruise ship

Nadagdagan pa sa 44 ang mga panibagong kaso na nahawaan sa coronavirus disease na pawang sakay ng cruise ship na Diamond Princess na kasalukuyan pa ring naka-quarantine sa Yokohama, Japan.

Dahil dito umakyat na sa 219 ang mga pasahero at crew na nagkasakit.

Kasama sa mga naunang nahawa ay ang mismong Japanese quarantine officer.

Umakyat na rin sa 11 ang mga tripulanteng Pinoy ang nagpositibo sa sakit mula sa dating apat.

Ito naman ang kinumpirma ngayong hapon lamang ng Department of Foreign Affairs.

Tiniyak naman ng Philippine Embassy sa Tokyo na hindi nila pinababayaan ang mga pasyente sa pamamagitan ng pagbisita sa kanila sa ospital at pagpapadala ng sapat na supplies maging sa mga naiwan sa barko.

Ang mahigit sa 200 nagkasakit sa COVI-19 sa loob ng barko ay ang pinakamalaking bilang sa labas ng China.

Samantala sa kabilang dako ang isa pang cruise ship na Westerdam na meron ding mahigit 3,000 ang sakay ay nakababa na rin ang mga pasahero sa Cambodia.

Pinapurihan naman ng World Health Organization (WHO) ang gobyerno ng Cambodia na pinayagang makadaong ang naturang cruise ship na naunang hindi pinayagan ng Pilipinas, Taiwan at Thailand kahit wala namang kaso ng coronavirus diseases.