DAVAO CITY – Nagsimula na ang 21st Davao Agri Trade Expo (DATE) na isinagawa sa isang mall sa lungsod ng Davao.
Ipinagmalaki ni Davao City Chamber of Commerce Inc. (DCCCI) Executive Vice President John Tria na ang aktibidad ang biggest and longest-running agri-business expo na isinasagawa bawat taon sa Southern Philippines.
Ibinida sa trade expo ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) at ang 90 na mga lokal at international na mga kompaniya.
Sinabi ni Valente Turtur, Cacao Industry Development Association of Mindanao (Cidami) president at chairman ng event na gusto rin nila na mag-focus sa pagpapabuti sa agrikultura lalo na sa Mindanao dahil isa ito sa magbibigay kasaganaan sa bansa at upang maging totoong “Basket of the Philippines”.
Sa nasabing expo, may mga libreng technical seminars patungkol sa agri-fishery, aquaculture, breed development, mushroom production, potential of dairy products at wild life trade. Pag-uusapan din ang kontrobersyal na African Swine Fever.
Dumalo sa nasabing event si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at si Senator Cynthia Villar na kumain pa ng lechon sa inihandang boodle fight upang ipakita na ligtas mula sa African Swine Fever (ASF) virus ang karneng baboy sa syudad.
Ang nasabing expo ay tatagal hanggang September 28 kung saan iba’t-ibang mga stakeholders sa sektor ng agrikultura ang inimbitahan.