KALIBO, Aklan – Patay ang isang 22-anyos na dalaga matapos pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Nadynne Faith Medina, alyas Nadia, kasalukuyang on the job training (OJT) sa isang bangko sa Kalibo at residente ng naturang lugar.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa dibdib na agad nitong ikinamatay.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Kalibo Police Station, naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay mula sa pagbili ng gamot sa isang botika nang dikitan ng dalawang hindi nakikilalang lalaki at biglang pinaputukan ng baril.
Sinasabing nagtakbuhan ang mga salarin palayo sa lugar pagkatapos ang krimen.
Ayon sa ilang residente sa lugar na dalawang putok ng baril ang kanilang narinig.
Narekober naman ng pulisya sa crime scene ang basyo ng kalibre .45 na baril.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.