-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Posibleng magtagal ang lockdown sa bansang United Kingdom dahil sa nakakamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang ibinahagi ni Grace Leagogo, isang overseas Filipino worker (OFW) sa naturang bansa sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Leagogo na tubong-Brgy Zone 4, Koronadal City, maaari umano itong mangyari kapag patuloy na magmamatigas ang mga tao na hindi sumunod sa ipinaiiral na mga protocol ng mga otoridad kaugnay sa nasabing sakit.

Inamin rin nito na dalawang kababayan rin ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan nasawi ang isang 22-anyos umano na Pinay nurse habang ang isa naman ay naka-confine sa Royal Hospital.

Samantala, patuloy na nakabantay ang mga Briton kaugnay sa kalagayan ni Prime Minister Boris Johnson matapos inilipat sa intensive care unit dahil sa patuloy na paglala ng kanyang kondisyon bunsod ng COVID-19.