KORONADAL CITY- Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang isang 22-anyos na lalaki na nakapatay sa kamag-anak nito dahil lamang sa tsismis sa lungsod ng Koronadal.
Kinilala ni Police Lt. Col. Amor Mio Somine, chief of police ng Koronadal City PNP ang biktima na si Marilyn Pahilangga Lavapiez, 50-anyos, residente ng Purok Lower Kadidadng, Barangay San Jose, Koronadal City habang ang suspek naman ay si Jason Floyiho Bañes, 22-anyos na residente din ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLt.Col. Somine, batay sa mga nakalap na mga ebedensiya laban sa suspek ay mahaharap ito sa kasong murder.
Inamin naman ni Bañes ng makapanayam ng Bombo News Team, labis na umano ang paninirang ginawa ng biktima na naturingan pang kamag-anak nito dahil misis ito ng kanyang pinsang buo.
Dahil umano sa paninira na ginagawa ng biktima sa kanya nadamay ang kanyang pamilya kaya’t nagalit ito ng husto at ginawa ang krimen.
Wala namang pagsisisi ang suspek sa kanyang ginawa subali’t humihingi ito ng tawad sa pamilya ng kanyang biktima.
Sa ngayon ay nasa kustudiya na ng Koronadal City PNP ang suspek matapos na boluntaryong sumuko.
Samantala, ipinag-utos na din ni PLt.Col. Somine sa kapulisan na laliman pa ang imbestigasyon sa krimen dahil baka hindi lamang umano tsismis ang dahilan sa pagpatay ng suspek sa biktima.