DAVAO CITY – Nasa 22 mga high powered firearms mula sa tinaguriang Pulang Bagani Company ng New People’s Army (NPA) ang isinuko sa mga otoridad sa tulong ng mga komunidad na nasa tri-boundary ng Davao City, Davao del Norte, at Bukidnon.
Nasa kustodiya ngayon ng mga personahe ng Philippine Army intelligence at 1003rd Infantry Brigade sa ilalim ni Col. Nolasco Mempin ang mga nasabing armas.
May kaugnayan ito sa pagsuko ng ilang miyembro ng NPA sa Naval Station Felix Apolinario Panacan sa lungsod.
Ilan sa mga narekober na armas kahapon ay kinabibilangan ng 11 mga M16 at isang M14 rifle matapos na nakipag-ugnayan ang mga residente sa northern boundary ng Davao at Davao del Norte sa militar.
Iba pang mga armas ay una nang narekober sa isang Sitio sa boundary ng Davao City at Bukidnon matapos na ipinaalam ito ng mga residente.
Samantalang pito pang mga armas ang narekober sa isang Sitio sa boundary ng Davao City at Davao del Norte.
Ang sunod-sunod umano na retrieval ay naging susi sa pagkarekober ng 15 mga M16 rifles, tatlong M14 rifles, dalawang garand rifle, isang M2 carbine at isang Ultimax light machine gun.
Patuloy ngayon ang panawagan ni Lt. General Felimon T. Santos Jr., commander ng Eastern Mindanao Command sa mga armadong grupo na mas mabuting sumuko na lamang sa otoridad at samantalahin ang mga programa ng pamahalaan.