Nasa 22 karagdagang kaso ng COVID-19 ang naitala sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Dahil dito, sumampa na sa 902 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa nakamamatay na COVID virus.
Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, ang may pinakamataas na naitalang COVID cases ay sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 354 cases.
Sinusundan ito ng Police Regional Office-7 na may 248 kumpirmadong kaso, 81 sa National Support Units habang 69 naman sa PRO Calabarzon.
Kasabay nito, sinabi rin ng PNP chief na nananatili sa siyam ang nasawi sa COVID sa kanilang hanay habang umakyat naman sa 414 ang mga naka-recover.
Samantala, aabot naman sa 1,897 ang bilang ng mga pulis na tinututukan ng PNP.
Nasa 1,151 ang suspected cases habang 746 naman ang probable case.