-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isinampa na sa korte ang kasong multiple murder at multiple frustrated murder laban sa 22 na mga suspek sa nangyaring pananambang sa grupo ni Kumander Black Magic ng Inner Guard Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Guindulungan Maguindanao.

Ito mismo ang kinumpirma ng tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na si Lieutenant Colonel Cristio Lagyop Jr.

Sinabi ni Lagyop na tinukoy ng tatlong mga nakaligtas sa pananambang ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

HInintay na lamang ng mga otoridad ang warrant of arrest laban sa mga salarin.

Itinurong utak sa pananambang si Jordan Mamalintang alyas Kumander Jordan at anak nya na si Morsid na mga kasapi rin ng MILF.

Matatandaan na sakay ng dalawang SUV ang grupo ni Peges Mamasainged alyas Kumander Black Magic para dumalo sa isang kanduli o rido settlement sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan ngunit pagsapit nila sa Sitio Dam Brgy Kalumanis Guindulungan Maguindanao ay tinambangan ng mga armadong kalalakihan sa pamumuno ni Kumander Jordan.

Pinabulaanan naman ng ilan sa mga isinangkot sa ambush na wala silang kinalaman sa pagpaslang sa mga biktima.

Samantala umakyat na rin sa sampu katao ang napatay sa pananambang kabilang ang isang ginang na nakilalang si Kadiguia Mamasainged.