-- Advertisements --

DAGUPAN CITY–Umabot sa 22 bilang ng mga manggagawa ang nasagip o narescue ng National Bureau of Investigation o NBI Dagupan at Department of Social Welfare and Development o DSWD mula sa isang fishing Company sa bayan ng Sual na diumano’y hindi maganda ang trato at hindi rin nagbibigay ng tamang pasahod.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Clarivel Banzuela Social Welfare Officer 4 at Head- Community Based Services Section ng DSWD-Field Office 1 sinabi nito na bago pa man ang insidente, isang liham o referral letter ang kanilang natanggap mula sa LGU Bukidnon kung saan nakasaad umano dito ang paghingi ng tulong ng ilang mga trabahador o manggagawa sa kompanyang kanilang pinapasukan.

Aniya, nakararanas kasi ang mga ito ng pangmamaltrato mula sa kanilang amo at hindi rin naibibigay ng maayos ang kanilang sahod o kita.

Agad naman umano itong tinungo ng DSWD kasama na ang NBI Dagupan at dito ay kanilang nasagip ang 22 indibidwal na pawang mga manggagawa ng isang fishing company.

Sa 22 bilang, pito umano dito ang babae, tatlo ang bata at isang infant.

Dagdag pa ni Banzuela, mula pa sa Bukidnon, Leyte, Bicol at ilang parte ng Mindanao tulad na lamang ng Gensan at Zambaoanga Del Sur ang mga nabanggit na manggagawa na aniya’y napunta lamang dito sa Pangasinan matapos pangakuan ng isang hindi na matukoy pang employer na bibigyan ng maayos at magandang trabaho.

Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng DSWD ang mga na-rescue na manggagawa.