Tinatayang nasa 22 na ang iniwang patay habang mahigit 1-milyon naman ang napilitang lumikas sa kanilang mga tirahan dahil sa pananalasa ng Typhoon Lekima sa China.
Ayon sa mga opisyal, ang nasabing bilang ng mga nasawi ay dulot ng pagguho ng lupa dahil sa bagyo.
Sa ulat ng state media, nangyari ang landslide sa Wenzhou na malapit kung saan nag-landfall ang Lekima.
Maliban dito, 10 iba pa umano ang napapaulat na nawawala.
Nitong Sabado nang tumama ang Lekima sa kalupaan sa bahagi ng Wenling, na nasa pagitan ng Taiwan at financial capital ng China na Shanghai.
Patuloy na binabaybay sa ngayon ng Lekima ang direksyon patungong Zhejiang province, at inaasahan ding hahagupit sa Shanghai, na may populasyong mahigit 20-milyon.
Nasa 2.7-milyong kabahayan din sa nasabing rehiyon ang nawalan ng kuryente dahil sa nabuwal ang mga power lines bunsod ng napakalakas na hangin, ayon sa state media.
Sa pahayag ng mga Chinese weather forecasters, taglay ng Lekima ang lakas ng hanging aabot sa 187 kph, at kumikilos pahilaga sa bilis na 15 kph. (BBC)