Lumagda ang 22 mga senador sa isang resolution na humihimok sa gobyerno na pansamantalang suspendihin ang pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala bilang PUV Modernization Program.
Kabilang sa mga nag-akda ng Senate Resolution (SR) No. 1096 ay sina Senate President Francis Escudero, Majority Leader Francis Tolentino, Minority Leader Koko Pimentel, Pro Tempore Jinggoy Estrada; at Senators Nancy Binay, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bato Dela Rosa, Loren Legarda, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Grace Poe, Bong Revilla, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Mark Villar at Migz Zubiri.
Tanging si Senator Risa Hontiveros ang hindi lumagda sa naturang resolution. Wala pa namang inilalabas na komento ang Senadora kung bakit hindi ito lumagda sa naturang resolution.
Matatandaang noong July 23, sa Senate hearing ng Committee on Public Services na pinamumunuan ni Tulfo, napagalaman niyang hindi planado at minamadali ang modernization program.
Sa paghahain ng SR No. 1096, binigyang-diin ni Tulfo at ng kanyang mga kasamahan ang mga alalahanin ng mga apektadong driver, grupo, unyon, at transport cooperatives, partikular na ang mga isyu sa konsolidasyon nila sa mga kooperatiba.
Sinabi ng mga Senador na ang mga maliliit na stakeholder na ito, partikular na ang mga driver na nananatiling unconsolidated, ang nawawalan ng pang-kabuhayan.
Ito ay sanhi ng kakulangan ng information drive sa panig ng gobyerno upang turuan ang mga apektadong partido gayundin ang pasanin sa pagpopondo sa halaga ng mga modernong PUV.
Sa huli, iginiit ng mga Senador na dapat solusyunan at ayusin ng Department of Transportation ang mga alalahanin na ipinahayag ng mga apektadong stakeholder, lalo na ng mga driver.
Para naman sa mga napilitan o nagboluntaryong mag-consolidate, malaya pa rin silang dumaan sa kanilang karaniwang ruta habang nagpapatuloy ang pagrepaso.