Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 22 volcanic quakes sa bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Ito ay halos 2 linggo matapos ang pagsabog ng aktibong bulkan na nagresulta sa pagka-displace ng libu-libong mga residente sa Negros Island.
Ayon sa ahensiya, ang kamakailang mga lindol sa bulkan ay bahagyang nabawasan mula sa 24 na naobserbahan noong Miyerkules at 23 noong araw ng Huwebes.
Gayundin ang ibinubugang asupre ng bulkan ay bumaba sa 4,208 tonelada noong Biyernes mula sa 6,438 tonelada naitala noong Huwebes. Nananatili namang namamaga ang edipisyo ng bulkan.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang 30 siyudad at bayan ang apektado ng ashfall mula sa pagsabog ng bulkan.
Bilang tugon, inirekomenda na ng PHIVOLCS ang paglikas sa mga residente mula sa 6-km radius mula sa summit ng bulkan. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.
Sa datos nitong Biyernes, iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD) na nasa mahigit 4,600 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang nasa mahigit 1,000 pamilya naman ang lumikas muna sa ibang mga lugar.
Ang isa nga sa pinakamatinding naapektuhan na munisipalidad ay ang lokal na pamahalaan ng La Castellana kung saan pinangangambahan ang pagkaubos ng kanilang resources sa planong pagpapalawig sa permanent danger zone.