CENTRAL MINDANAO – Umaabot na sa 148 locally stranded individuals (LSIs) ang naidagdag sa nagawang naiuwi ng Task Force Sagip Stranded North Cotabateño at 38 na iba pa na sakay naman ng C-130 plane ang nakasamang nasundo ng team sa Davao International Airport.
Dala ni Mission team head Junmar Gonzales ang 22 van, media team at luggage truck ng Philippine Army, matagumpay na naibyahe patungo sa Amas Provincial Capitol ang 186 na LSIs.
Pumalo na sa 2,241 ang dami ng LSI na natulungan ng TF Sagip.
Naghihintay naman ang team mula sa IPHO PESU, EOC at TF Sagip para sa decontamination process at Rapid Testing na gagawin sa pangunguna nina Dr. Venancio Ang at mga kawani ng IPHO, bago pa sila i-turn over sa LGUs.
Masaya at nagpasalamat ang grupo ng 15 kababaehan na residente ng Lama-lama, President Roxas na nag-apply sana ng trabaho palabas ng bansa ngunit bigong nakalipad dahil sa pandemya.
Kwento ni Lotlot Bonane at nang kanyang kasamahan na si Vilma Nua na halos nawalan na sila ng pag-asang makauwi.
“Salamat Governor Nancy Catamco, nakauli gyud mi, salamat sa TF Sagip, dahil natulungan kami makauwi,” sabi pa ni Nua.
Lulan rin ng chartered flight ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Manila na sadyang ‘di makauwi dahil walang masakyan.
May ilan naman na nagsabi na mahirap diumano ang kanilang kalagayan doon dahil umaasa lang sila sa relief na ipinamamahagi ng LGU.
Isang construction worker na residente ng Barangay Meohaw, kidapawan City ang nakasakay din sa chartered flight.
“Sa pagsugod sa lock down, wa na gyud mi katrabahuan didto. Hulat ra mi rasyon sa nga ginahatag, aron makakaon,” kwento pa nya.
Tinulungan diumano sya ng anak ng kapitbahay at inirehistro sa TF page.
Ang bata na rin umano ang nag-follow up sa kanya. Nakitira rin sya pansamantal sa kanyang kakilala sa Maynila.
Bago lumapag ang eroplano, ipinarinig sa mga pasahero ang mensahe ni Governor Nancy Catamco na humihiling ng kooperasyon sa pagsasailalim ng rapid testing at 14-day quarantine.