DAGUPAN CITY, Pangasinan — Kulungan ang bagsak ng isang 23-anyos na high-value individual matapos itong maaresto sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan sa bayan ng Binmaley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renan dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, itinago nito ang suspek sa alias na “Arvin” kung saan ay nahulian ito ng humigit P400,000 na halaga ng ilegal na droga.
Sinabi nito na isinagawa nila ang operasyon upang mahuli ang suspek kamakailan sa pinagsamang pwersa ng kanilang tanggapan, mga opisyal ng Binmaley Municipal Police Station, at iba pang mga enforcement unit.
Ani PCapt. Dela Cruz na nakuha nila sa pangangalaga ng suspek ang 63 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang nasa P428,400, at gayon na rin ang ilan pang non-drug items.
Saad pa nito na matagal nang minamanmanan ng kanilang operatiba ang naturang suspek bago nila ikinasa ang operasyon laban dito.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng kapulisan ng bayan ng Binmaley ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa dito na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy naman nilang inaalam kung saan nanggagaling ang ibinebenta ng suspek na ilegal na droga.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy naman ang kanilang isinasagawang mga interbensyon at mekanismo upang masawata ang kalakaran ng ilegal na droga sa lalawigan ng Pangasinan.